Alvin Ursua: Kuwento ng Isang Manunulat

Carlos Palanca Memorial Awards for Literature Third Prize Winner Alvin Ursua
Photo courtesy of Alvin Ursua

Lahat tayo ay may kakayahang magsulat. Hindi nga ba’t mula grade one ay parte na ng ating araw-araw na buhay ang pagsusulat? Mula sa simpleng pagkopya sa mga letrang unang ipinakilala sa atin noong preschool o kindergaten hanggang sa paggamit ng mga bago at pahirap nang pahirap na mga salitang unti-unti nating natutunan habang umaakyat mula elementary papuntang high school hanggang sa tuluyan tayong tumapak sa college, ang pagsulat ay isang bagay na napansin man natin o hindi ay natutunan nating hasain upang magamit sa anumang paraang ating gustuhin.

Magkaganoon man, ang pagsulat para masabi lang na nakapagsulat ay isang bagay, ang pagsusulat para magparating ng isang konkretong mensahe ay iba pa.

Madali ang gumamit ng mga salita, ang mahirap ay ang gamitin ang mga ito upang ipakita ang lawak at lalim ng ating mga iniisip at nararamdaman, lalo’t higit ang gamitin ang mga ito upang abutin ang kamalayan ng ibang tao. Sa isang manunulat o gustong maging manunulat, iyan ang isang hamon na araw-araw mong haharapin.

Sa linggong ito, sasamahan tayo ni Mr. Alvin Ursua, 3rd Prize Winner sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Makata ng Taon sa Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula 2012, habang ikinukwento niya sa atin ang mga pangarap, frustration, at daily struggle ng isang manunulat.

Gaano katagal ka nang nagsusulat?

Walang saktong taon kung gaano katagal na akong nagsusulat. Mas maraming panahon ang nauubos ko sa pag-iisip at pagtunganga kaysa pagsusulat. Nauna akong naging mahiyain noong elementary, malungkutin noong high school, pero hindi ugaling writer ang tawag ko do’n kundi pag-iinarte.

Nasa college na ako nang mag-asal-witty at sumapi sa student publication. At halos, nakatuon ang panulat ko sa mga campus issues para sa news, editorial, at column writing. Na eventually, nakatulong/nakagulo, sa pagnanakaw ng sandali sa paggawa ko ng mga tula at maikling kwento para sa literary page at pagsali sa regional at luzonwide press conference taun-taon.

Kumbaga sa swimming pool, naging diving board ang nabanggit kong mga presscon para magpatuloy, hanggang ngayon, sa pag-iinarte o pagbababad ko sa panitikan.

Paano mo na-discover na may talento ka sa pagsulat ng tula o sa pagsulat, sa pangkalahatan?

Mas iniisip kong pinagsikapan ko ang magkaroon ng “lisensya” sa pagsusulat kaysa sabihing natuklasan ko ito. Mahilig akong manood ng mga pelikula at magbasa ng mga tula, kwento, at nobela. Kapag nanonood o nagbabasa ako, pakiramdam ko, nag-e-exist ako bilang tao. Kaya, tumatanaw ako ng utang na loob sa mga CD/VCD/DVD, pirated man o original.

Gayundin sa mga libro, matino man o bastos na hiniram ko lang o patagong basahin sa National Book Store. At lalong naramdaman kong kaya kong magsulat nang mapansin kong wala akong talento sa pagsusulat. Bachelor in Secondary Education – Major in Mathematics ang course ko. So, wala talagang background kundi mangapa.

Nitong 2010 ko lang nabalitaan na mayroon palang mga national creative writing workshops tulad ng DFPP Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat na kinikilala bilang Palihang Rogelio Sicat na napasama ako bilang writing fellow sa tula. Ni wala pa akong pakialam sa social relevance at puro kabag ng kalungkutan at hilaw na guni-guni ang alam ko. Pero kalungkutan at guni-guni pa rin ang alam ko hanggang ngayon, kaya nagsusumikap pa rin ako, in general.

Ano ang nagbibigay sa iyo ng inspirasyon para magsulat?

Pag-ibig ang inspirasyon ko – walang kamalay-malay.

Bukod sa sariling interes na makapag-produce ng matitinong obra na maaaring ipambili ng kanin at ulam. Naglalayon ako, kasama ng iba pang miyembro ng grupong KATAGA, samahan ng mga kabataang manunulat na umuusbong ngayon, na “ang manunulat ay lilikha ng mga makabuluhang akda mula sa katotohanan at karanasan ng lipunan bilang kanilang ambag sa pagsulong ng lipunang ito; maglilinang at magpapaunlad sa kasiningan ng pagsusulat sa kanilang indibidwal na kapasidad at kolektibong pagtutulungan; magpapalaganap ng mga akda bilang bahagi ng kanilang pagiging manggagawang pangkultura.”

Ito ang isa pang mukha ng pag-ibig, na maibahagi ko sa mga tulad kong nawiwili sa pagsusulat.

Kung meron kang isang gawa na masasabi mong sumasalamin sa iyong pagkatao, aling gawa iyon? Bakit?

Inuumpisahan ko nang bu(n)uin ang koleksyon ko ng mga tula. Hopefully, mapilit kong pulutin ang mga piraso ng sarili kong sumabog sa nakaraan para isilid sa mga pahina at mabasa.

Maliban sa pagsulat ng tula at ng mga maiikling kuwento, sumusubok ka rin ba ng mga ibang uri ng literatura? Kung oo, sa alin ka pinakakumportable? Bakit?

Sa ngayon, kailangan ko pang i-seal ang sarili ko bilang makata bago maging kwentista. Nangangapa pa rin ako. Kulang pa ang magkatitulo ng Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino at maparangalan ng Carlos Palanca Awards for Literature. Kailangang masa o kasaysayan ang humatol sa naisulat at maisusulat ko mapa-tula man o kwento. Saka na ang paglikha ng mga dula at script na gusto kong ligawan sa mga susunod pang taon.

Ano ang mga kadalasang tema ng iyong mga sinusulat? Kung magkakaroon ka ng pagkakataon na sumubok ng ibang tema sa hinaharap, anong mga tema ang gusto mong subukan? Bakit?

Kung tutuusin, babago pa lang ako nagsusulat. Infant, kumbaga. Minamahalaga ko ang pag-aaral ng pagsusulat sa kinabibilangan kong grupo – KATAGA. Kung mayroon akong pinapaksa sa panulat ko, may kinalaman ito sa mga karanasan ko bilang isang anak, kapatid, kaibigan, mangingibig, at tao.

Ngunit, hinding-hindi ako nagsusulat nang sa sarili ko lahat nagmula ang materials, nariyan ang lipunan. Kaya sang-ayon sa isinisulong ng KATAGA, nagsusulat ako nang may kinalaman sa lipunan dahil parte ako nito, at nararapat lang na magsulat ako sa mga tao. Isang halimbawa na dito ang isinusulat kong koleksyon tungkol sa buhay ng anluwage o karpintero. At kung mayroon pang ibang tema akong susulatin, gusto ko ay umiikot sa human interest na maaaring gawing pelikula.

Anong gusto mo sa pagsulat? Ano naman ang ayaw mo? 

Kaya ako nagsusulat dahil hindi ko pa alam ang gusto ko sa gawaing ito. Hinahanap ko pa rin. Itinuturing ko itong isang propesyon, hindi basta kati na madadaan lang sa kamot o hobby na pwedeng katamaran kapag sawa na. Lalong hindi ito basta lang gawaing pansarili lamang, maaari ding may partisipasyon ng ibang tao tulad ng kapwa manunulat, at mismong mga taong pinaghuhugutan ng inspirasyon. Kung may ayaw man akong bahagi ng pagsusulat, ito ay ang palagiang paninindigan sa isinulat. Pero wala akong angal tungkol dito.

Sa iyong opinyon, ano ang batayan ng isang magaling na makata o manunulat? 

Kapag tinutupad niya ang tungkuling ipaabot sa mga mambabasa ang mga naisulat.

Anong payo ang maibibigay mo sa mga taong nais na maging makata o manunulat na kagaya mo?

Magsulat nang pulido ang kasiningan ng output. Makisalamuha sa mga tao.

Meron ka bang blog o website na maaaring puntahan ng mga tao para mabasa ang ilan sa mga sinulat mo?

Wala akong blog site. Pero niluluto ko na ang una kong koleksyon ng mga tula, at sana, sana lang, maibalik ko na ang utang na loob ko sa mga taong bukal ng aking panulat at pagkatao. 🙂

Author: Lucenahin

is an online magazine dedicated to everything Lucenahin. Browse our collection of articles and learn more about people, places, events, and interests in Lucena City.

Share This Post On

Pin It on Pinterest

Shares