Paskong Lucenahin

Poinsettia – karaniwang nakikita sa mga Flower Shops pagsapit ng “ber” months

Lumalamig na ang simoy ng hangin, nagsusulputan na rin ang nagtitinda ng puto-bumbong, may dekorasyon nang Belen at Christmas tree at may nakasabit nang mga parol sa mga kabahayan kasabay ng pagkutitap ng makukulay na Christmas lights, at nag-extend na rin ng oras ng pagsasarado ang mga shopping malls at ilang tindahan para i-accommodate ang mga taong bumibili ng kanilang panregalo. Ito’y ilan lamang sa mga senyales na ating na-oobserbahan tuwing nalalapit na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ang Pilipinas, bilang kilala sa buong mundo na isa sa nagdaraos ng pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko, ay may mga tradisyon at kultura na sinusunod sa pagsapit ng Kapaskuhan. Maaaring ang ilan dito ay hindi na nasusunod ng ilan nating kababayan dahil sa pagpasok ng modern Western culture ngunit dito sa atin sa Lunsod ng Lucena, ang ilan sa mga tradisyon na ito ay buhay na buhay pa rin. Heto ang ilan sa mga tradisyon na ito:

Christmas Parties at Monito Monita

Sa pagpasok pa lamang ng buwan ng Disyembre, ang ilan sa mga paaralan at mga opisina ay nagdaraos na ng kanilang mga Christmas Parties at syempre pa, hindi mawawala dito ang exchange gifts. Ang ilan naman ay nagkakaroon na ng tinatawag na Monito-Monita bago pa man ang Christmas party. Ito ay ang araw-araw o linggo-linggo  na pagbibigay ng regalo sa iyong nabunot depende sa temang napag-usapan, pwedeng something soft, something sweet, something round, etc. at ito ay nagtatapos sa mismong araw ng Christmas party kung saan dito ibinibigay ang tunay mong regalo.

Simbang Gabi/Misa de Gallo

Nagsisimula naman ang Simbang Gabi tuwing pagsapit ng December 16 at ginaganap ang misa nito tuwing madaling araw. Ito ay ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Aglipayan sa pagpupugay sa Birheng Maria bago ang kanyang kapanganakan. Pinaniniwalaan na kapag nakumpleto mo ang Simbang Gabi ay matutupad ang iyong panalangin o kahilingan sa Pasko. Pangkariniwan na rin ang pagbili ng puto-bumbong at bibingka pagkatapos magsimba.

Karoling

Ang pangangaroling ay isa pang tradisyon na nananatiling buhay na buhay, hindi lamang dito sa ating siyudad, kundi pati na rin sa buong bansa. Mapa-bata o matanda man ay ginagawa ang pangangaroling sa mga kabahayan upang handugan tayo ng mga awiting pamasko. Karaniwang sinisimulan ito kasabay ng pagpasok ng Simbang Gabi.

Noche Buena

Christmas Display

Ang Noche Buena ay ang tradisyunal na pagsalubong sa Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagsasalu-salo ng buong pamilya sa hapag-kainan sa pagsapit ng hatinggabi ng Disyembre 24. Ang pangkaraniwang inihahanda tuwing Noche Buena ay keso de bola at hamon, ngunit sa panahong ito, hindi na rin nawawala ang yema cake lalo na sa atin dito sa Lucena.

Araw ng Kapaskuhan
Ito ang araw na pinakihihintay ng halos lahat ng tao sa mundo, mapa-Kristyano man o hindi. Halos lahat ay nagdiriwang sa pagsapit ng araw na ito, iba’t iba man ang kanilang dahilan ng pagdiriwang. Ngunit para sa ating mga Kristyano, ito ay napakahalagang araw sa paggunita ng kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Hindi man ito ang eksaktong araw ng Kanyang kapanganakan, ang mahalaga ay ang ating pagdiriwang.

Bisperas ng Bagong Taon
Ang pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon ay bahagi na rin ng ating pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ay nagpapaputok o nagpapaingay ang ating mga kababayan bilang pagsalubong sa papasok na taon. Ang ilan naman sa atin ay nagsusuot ng polka dots na damit o kahit anong damit na may design na bilog, paghahain ng 12 bilog na prutas at pagsasabog ng barya para sa daw masaganang pagpasok ng pera sa darating na taon. Ang mga kabataan naman ay tumatalon upang tumangkad daw sila sa susunod na taon. Karaniwan namang pinagsasaluhan ng pamilya sa pagsapit ng Media Noche ay malalagkit na kakanin upang mas maging malapit daw ang ugnayan ng pamilya sa isa’t isa.

Three Kings
Ipinagdiriwang naman ang Three Kings sa tuwing pagsapit ng unang linggo ng Enero. Ito ay pinaniniwalaang ang pagdalaw ng tatlong pantas sa sabsaban kung saan pinanganak ang Panginoong Hesukristo at ito rin ang nagsisilbing palatandaan ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa ating tradisyong ginagawa tuwing Pasko. Kayo? I-share nyo naman ang mga ginagawa nyo bilang pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon. Isang mainit na pagbati ng Merry Christmas at manigong na pagsalubong sa New Year mula dito sa Lucenahin!

Author: Lucenahin

is an online magazine dedicated to everything Lucenahin. Browse our collection of articles and learn more about people, places, events, and interests in Lucena City.

Share This Post On

Pin It on Pinterest

Shares