Featured Lucenahin: Barangay Tanod Nelda Peñero

neldaTunay na kahanga-hanga ang mga kababaihan ngayon na kayang pagsabayin ang pagiging isang ulirang ina, butihing asawa, at huwarang mamamayan kagaya na lamang ng 53-years old na si Nelda Peñero na isang barangay tanod.

Nitong nakaraang Linggo, mapalad ang aming team dahil nagkaroon kami ng pagkakataon na makapanayam siya sa isang live interview. 🙂 Ang ilang bahagi ng aming naging pag-uusap ay mababasa sa ibaba.

 

Pwede ninyo po bang i-share kung paano po kayo napapunta sa trabahong ito?

Actually, pinili lang ako ng aming butihing Kapitan na si Virgilio Lopez upang maging barangay tanod. Siguro, nakitaan niya ako ng malasakit at sense of volunteerism salugar namin kaya napili niya ako para sa trabahong ito.

Sa totoo lang, noong una, hindi ako sigurado kung kaya ko bang gampanan ang malaking responsibilidad ng pagiging isang barangay tanod, lalo na’t isa akong babae. Bihira naman kasi sa mga barangay ang pagkakaroon ng isang babaeng barangay tanod upang mag-ikot at rumesponde sa mga taong humihingi ng tulong.

Magkahalong takot, kaba, at excitement ang naramdaman ko noong opisyal na iginawad na sa akin ang trabahong ito. Takot dahil hindi biro ang gagampanan kong responsibilidad, kaba dahil sa mga pwedeng mangyari sa  akin at sa aking mga mahal sa buhay sa oras ng aking trabaho lalo na tuwing gabi kung saan maraming aksidente o panganib ang pwede kong kaharapin, at excitement dahil sa mga activity and adventure na maaari kong ma-experience.

Sa ngayon, tatlong taon na ako sa serbisyo, at kung papalarin sana’y tumagal pa ako ng mas maraming taon dahil na-e-enjoy ko talaga ang maglingkod sa aming mga ka-lugar.

 

Maaari ninyo po bang i-share sa amin ang duties and responsibilities ninyo bilang barangay tanod?

Bilang isang barangay tanod, mayroon kaming do’s and dont’s na dapat sundin.

 

Do’s

  • Maging mabuting ehemplo sa aming lugar
  • Panatilihin ang “peace and order” sa buong barangay
  • Mag-ronda sa lugar tuwing gabi (10-11PM, 1-4PM)
  • Magkaroon ng ronda team na hindi bababa sa bilang na 5.
  • Isuot ang aming barangay official uniform
  • Magdala ng flashlight at emergency kit tuwing magro-ronda atbp.

 

Dont’s

  • Bawal mag-ikot o rumonda sa barangay nang nakainom o may sakit
  • Hindi pwedeng gamitin ang katungkulan upang manloko o manlamang ng ibang tao
  • Bawal manakit ng sinuman (nonverbal and verbal)
  • Hindi pwedeng manigarilyo sa oras ng trabaho, atbp.

 

Anu-ano po ang advantages ninyo bilang isang babaeng barangay tanod?

Bilang isang babaeng barangay tanod, tuwing may kaso ng away, rambulan, o paghuli sa mga kabataan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, advantage ko ang pagkakaroon ng mahinahon at maunawain.

Bago kasi ako rumesponde kasama ng aking team, sa kabila ng magulo o marahas pang sitwasyon, pinananatili ko pa rin ang pagkakaroon ng kalmadong attitude para makapag-isip ako ng tama at hindi ako makapagbitaw ng foul words na pwedeng makasakit sa ibang tao.

 

Anu-ano naman po ang mga limitation ninyo?

Pantay naman ang karapatan ng mga lalaki at babaeng barangay tanod. Ang nakikita ko lang sigurong limitations ko ay ang pagbubuhat ng mabibigat na gamit gaya ng mga sirang yero at kahoy pagkatapos ng bagyo na maaari pang gamitin sa pamamagitan ng recycling. Humihingi kasi kami ng pahintulot sa mga kabarangay namin upang dalhin at tulungan silang ayusin ang mga ito.

 

Bilang isang opisyal ng barangay meron po ba kayong natatanggap na kaukulang

Benepisyo?

Meron naman pero iyong basic benefits din lang gaya ng yellow card at green card for health benefits na natatanggap din ng iba nating kababayan kagaya ng mga senior citizen.

 

Anu-ano pong mga event at iba pang activities ang nilalahukan ninyo sa inyong barangay?

Bawat barangay ay may kaniya-kaniyang pakulo pagdating sa activities gaya ng mga palaro sa kabataan. Sa aming barangay, madalas kaming magpalaro ng liga ng basketball upang hikayatin ang mga kabataan na huwag magpadala sa mga bad influence gaya ng alak, sigarilyo, at droga. Meron din kaming Valentines Day celebration at “Gandang Mommy” every year na talaga namang kinagigiliwan ng buong barangay..

 

Para sa inyo, ano po ang pinaka-memorable na experience ninyo bilang isang barangay tanod?

Para sa akin, pinaka-memorable experience iyong nakahuli kami ng mga kabataang gumagamit ng ipinagbabawal na droga. Isa kasi itong achievement sa buhay ko na never kong malilimutan. Ang sarap lang sa pakiramdam na natulungan ko ang ilang mga kabataan na naliligaw ng landas sa tulong ng aking trabaho. Ganunpaman, nalulungkot ako para sa kanila dahil bilang isang ina, alam kong napakasakit ng pangyayaring iyon sa kanilang mga magulang.

Itinurn over namin sila sa Lucena City Police Station upang mabigyan ng kaukulang aksyon.

 

Anong nais ninyong ipayo sa ibang mga kababaihan na gusto ding subukang maging isang barangay tanod?

Magkaroon lamang kayo ng malasakit sa inyong kapwa at magiging mas madali ang trabahong ito. Huwag niyong limitahan ang sarili ninyo sa mga nakasanayan ninyo na na mga gawain gaya ng gawaing bahay, pagtitinda, o iba pang mga kagayang hanap-buhay kung meron kayong oras at pagkakataon na maglingkod sa inyong mga ka-lugar. Kung papalarin kayong mahalal o mapaupo sa pwesto bilang isang barangay tanod, gamitin ninyo ito sa kabutihan.

I-enjoy ninyo lang ang pagtulong sa ibang tao. Wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam na makita ang matatamis na mga ngiti at marinig ang mga simpleng pasasalamat galing sa mga taong inyong natulungan. Ipagmalaki natin ang ating pagiging babae at mas pag-igtingin pa natin ang pagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan na maglingkod sa kanilang bayan.

Para sa mga kababaihan na gusto ding maging isang barangay tanod, narito ang mga qualification na dapat ninyong ma-meet.

 

Qualifications:

  • Must be a Filipino Citizen
  • Must have been a resident of the barangay for at least six months prior to appointment or election
  • Must be a registered voter
  • At least 18 years old but not more than 60 years old
  • Can read and write but preferably a high school graduate
  • Of good moral character
  • Physically and mentally fit

Bakit hindi ninyo din subukan?

Good luck! 🙂

Author: Krissa Marie Paña

Share This Post On

Pin It on Pinterest

Shares